CITY OF KORONADAL, Hunyo 19 – Matagumpay na isinagawa ng South Cotabato I Electric Cooperative, Inc. (SOCOTECO-I) ang espesyal na pagpupulong- Virtual Special General Membership Meeting (SGMM) na may layuning ipagpatuloy ang rehistro ng SOCOTECO-I sa National Electrification Administration (NEA) bilang isang non-stock, non-profit electric cooperative sa ilalim ng Presidential Decree No. 269 o National Electrification Administration Decree.
Pinangunahan ito ng mga Board Directors sa pamumuno ni Dir. Myrna V. Clavesillas (Koronadal I A), mga empleyado ng kooperatiba sa pamumuno ni Atty. Ricardo C. Orias, Jr., Project Supervisor / Acting General Manager. Dumalo din ang mga kasapi at pinuno ng Member-Consumer-Owners Program for Empowerment (MCOPE), mga miyembro ng Multi-Sectoral Electrification Advisory (MSEAC), stakeholders at mga member-consumer-owners (MCOs) mula sa labin-isang distrito ng prangkisa ng kooperatiba.
Ang pagpupulong ay binigyang karangalan at sinupurtahan din ni Congressman Ferdinand Hernandez, Deputy Speaker District Representative South Cotabato, 2nd District and National Electrification Administration (NEA) Administrator Edgardo R. Masongsong sa kani-kanilang mga mensahe para sa kooperatiba. Nagpahayag din ng suporta at pasasalamat sa pakiki-isa sa layuning maabot ang ‘total rural electrification program’ ang mga pinuno ng Power Bloc – Congressman Presly C. De Jesus ng PHILRECA Party-list, Congressman Godofredo N. Guya, RECOBODA Party-list.
Ang rehistro ng SOCOTECO-I sa NEA ay hanggang sa ika-31 ng Agosto lamang at bago pa man ito tuluyang matapos ay kinakailangan mapag-kasunduan ng SOCOTECO-I at mga miyembro nito ang pagpapatuloy ng nasabing rehistro. Malaking bahagi ng pagpupulong ang pag-lilinaw kung ano ang kahalagahan ng pag-update ng ‘Certificate of Registration’ sa NEA at mga legal na basehan nito.
Naisakatuparan din ang pag-amyenda ng SOCOTECO-I Articles of Incorporation at By-laws na limampung (50) taong naging batayan ng kooperatiba sa kaniyang mga proseso, pagpapasya at pagpapatakbo ng operasyon. Ang ‘Articles of Incorporation’ naman ay isang mahalagang dokumento na kumikilala sa isang organisasyon kagaya ng SOCOTECO-I bilang isang kooperatiba. Kabilang sa mga mahahalagang idinagdag at binago ang pag- update ng mga pangalan ng lungsod at mga bayan sa ilalim ng prangkisa ng SOCOTECO-I at ang pagpapatuloy ng pamamahala ng limampung (50) taon.
Ang ilang mahahalagang pagbabago sa SOCOTECO-I By Laws ay ang pag-update ng Article I Membership na ibinase sa mga probisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) Distribution System Open Access Rules (DSOAR) at RA 10531 National Electrification Administration Reform Act at RA 9136 Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law. May mga pagbabago rin sa Article V District Election na ibinase sa RA 10531 at Implementing Rules and Regulations (IRR) nito. Ang SOCOTECO-I By-Laws ay gabay sa pagpapatakbo, pamamaraan para sa paggawa ng desisyon at pamamahala ng kooperatiba.
Mayroong one hundred eighty-one (181) MCOs na naitala bilang mga rehistradong panauhin sa nasabing pagpupulong gamit ang Online Platform: Zoom Conference bilang pag-iingat sa COVID-19.
Para sa karagdagang detalye, maaaring magpadala ng email sa info@socoteco-1.com.