Pinagtibay ng South Cotabato I Electric Cooperative, Inc. (SOCOTECO-I) ang patuloy nitong pagtupad ng pangako ng mahusay na pamamahala at maaasahang serbisyo sa isinagawang 47th Annual General Membership Assembly (AGMA) na ginanap sa hybrid setup.
Nakapagtala ang pagtitipon ng 7,280 registrants o 5.56% ng kabuuang membership ng Kooperatiba mula sa online at physical registration.
Isinagawa ang AGMA sa ilalim ng temang “SOCOTECO-I Power: Governance Stronger. Service Smarter. Future Brighter.”, na nagsilbing gabay sa pagtalakay sa mga accomplishment, programa, at mga susunod na hakbang ng Kooperatiba para sa kapakanan ng mga Member-Consumer-Owners (MCOs) at mga komunidad na pinaglilingkuran nito.
PAGKAKAISA NG MGA KATUWANG SA SERBISYO
Tampok sa programa ang Parade of Districts at Parade of Colors, na sinundan ng mga mensahe mula sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kinatawan ng National Electrification Administration (NEA), at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga Member-Consumer-Owner Organizations, Barangay Power Associations (BAPAs), at media.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Koronadal City Mayor Erlinda P. Araquil ang mahalagang papel ng SOCOTECO-I sa patuloy na pag-unlad ng mga komunidad na sakop nito, partikular sa paghahatid ng serbisyong mahalaga sa tahanan, edukasyon, negosyo, at iba pang institusyon.
Sa kanilang Solidarity Messages, inilahad nina Atty. Janeene Depay-Colingan ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA), Presley C. De Jesus ng PHILRECA Party-list, at Sergio C. Dagooc ng APEC Party-list ang mahalagang papel ng electric cooperatives sa pagpapaunlad ng mga komunidad at pagtugon sa pangangailangan para sa maaasahan at sustainable na suplay ng kuryente.
Samantala, binigyang-pansin ang mahalagang papel ng mga Barangay Power Associations (BAPAs) sa pamamanan ng Best BAPA Awards, na kumilala sa mga natatanging BAPA sa Small, Medium, at Large categories.
Nagpaabot din ng mensahe si Cong. Ruth M. Sakaluran, 1st District Representative, Sultan Kudarat, na kinilala ang mahigit limang dekada ng maaasahang serbisyo ng SOCOTECO-I sa paghahatid ng ligtas at abot-kayang kuryente sa mga pamayanang pinaglilingkuran nito.
MISSIONARY ELECTRIFICATION, PATULOY NA ISINUSULONG
Isa sa mga tampok na bahagi ng pagtitipon ang presentasyon ng mga programa sa Solar Photovoltaic Mainstreaming (PVM) at ang Ceremonial Switch-On ng mga proyekto sa ilalim ng Sitio Electrification Program (SEP) at Last Mile School Program.
Sa pamamagitan ng mga programang ito, patuloy na tinutugunan ng SOCOTECO-I ang hamon ng elektripikasyon sa mga lugar na malayo at hindi pa abot ng linya ng kuryente.
Sa kasalukuyang 83% electrification rate, kinikilala ng Kooperatiba na nananatili ang pangangailangang maabot ang mga unserved at off-grid communities. Dahil dito, patuloy nitong isinusulong ang missionary electrification bilang bahagi ng layunin nitong mapalawak ang access sa kuryente at maihatid ang serbisyo.
NEA, PINAGTIBAY ANG KAHALAGAHAN NG MAHUSAY NA PAMAMAHALA
Binigyang-diin ni Atty. Omar M. Mayo, Deputy Administrator for Electric Cooperatives Management Services (ECMS) ng National Electrification Administration (NEA), ang kahalagahan ng mahusay na pamamahala at patuloy na pagtutok sa mga pangunahing layunin ng mga electric cooperatives.
Kabilang dito ang pagpapanatili ng single-digit system loss, kung saan kinilala ang SOCOTECO-I sa ilalim ng Triple-A rating ng NEA, ang pinakamataas na kategorya para sa mga electric cooperative.
Hinimok din ni Atty. Mayo ang mga MCOs na maging aktibong katuwang ng Kooperatiba sa pagpapanatili ng maayos na operasyon nito sa pamamanan ng napapanahong pagbabayad ng konsumo, pagsusumbong ng mga insidente ng pagnanakaw ng kuryente, at pag-iwas sa pagtatanim ng mga halaman sa ilalim o malapit sa mga linya ng kuryente upang mapanatili ang kaligtasan at reliability ng distribution system.
Pinasalamatan din niya ang SOCOTECO-I, partikular ang Task Force Kapatid, sa maagap na pagtugon at pagpapadala ng mga tauhan upang tumulong sa pagpapanumbalik ng serbisyo ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Samantala, nagpaabot din ng mensahe si NEA Administrator Antonio Mariano C. Almeda, na nagpahayag ng pasasalamat sa patuloy na suporta sa mga programa at layunin ng national government, kabilang ang pagsusulong ng total electrification sa bansa.
Binigyang-diin ni Administrator Almeda na patuloy na kinikilala ng NEA ang mga tagumpay ng SOCOTECO-I at pinagtitibay ang pangako nitong suportahan ang mga makabuluhan at karapat-dapat na programa at inisyatiba tungo sa mas malawak na electrification at mas mahusay na serbisyo.
MGA TAGUMPAY AT PAGKILALA, IBINAHAGI SA MGA MCOS
Ibinahagi rin sa pamamanan ng isang audio-visual presentation ang mga awards at citations na natanggap ng SOCOTECO-I, na sumasalamin sa performance, governance, at service delivery ng Kooperatiba.
Kabilang sa mga pangunahing accomplishment ang pagkilala sa SOCOTECO-I bilang Triple-A Category Electric Cooperative, ang pagkamit ng 99 out of 100 points sa Overall Key Performance Indicator (KPI) Assessment for Electric Cooperatives, at ang pagtanggap ng mga special recognition mula sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa Keynote Message na inihatid ni Koronadal Vice Mayor Ester Marin Catorce bilang katawan ni Atty. Ferdinand L. Hernandez, 2nd District Representative, South Cotabato, ipinaabot nito ang mainit na pagbati ni Cong. Hernandez sa pamunuan, Board of Directors, mga empleyado, at Member-Consumer-Owners ng SOCOTECO-I.
Binigyang-diin sa mensahe ang mahalagang papel ng SOCOTECO-I sa buhay ng mga pamilya at komunidad—mula sa mga estudyanteng gumagamit ng kuryente sa kanilang pag-aaral, mga magsasakang umaasa sa enerhiya para sa kabuhayan, hanggang sa mga negosyong patuloy na nagsisilbi sa kanilang mga customer.
Kinikilala rin ang mahalagang ambag ng mga linemen, engineers, employees, at Member-Consumers na sama-samang nagpapanatili sa operasyon at serbisyo ng Kooperatiba.
LEGISLATIVE FRANCHISE, PATULOY NA ISINUSULONG
Tinalakay rin ang legislative franchise ng SOCOTECO-I, partikular ang House Bill No. 9368, na naglalayong bigyan ang Kooperatiba ng awtoridad na magtayo, magpatakbo, magmay-ari, mamahala, at magpanatili ng distribution system para sa paghahatid ng kuryente sa Koronadal City, Tampakan, Tantangan, Banga, Surallah, at Norala sa South Cotabato.
Bilang isa sa mga may-akda ng panukala, katuwang si Cong. Hernandez sa pag-apruba nito ng House Committee on Legislative Franchises tatlong buwan matapos itong maihain.
Ayon sa kanya, mahalagang hakbang ito upang mabigyan ang SOCOTECO-I ng legal na awtoridad at pangmatagalang seguridad sa pagpapatuloy ng serbisyo nito.
Tiniyak din ni Cong. Hernandez ang patuloy na pagsusulong ng panukala hanggang sa ganap itong maaprubahan, dahil ang franchise ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay ng awtoridad sa Kooperatiba, kundi sa pagtitiyak na mananatiling bukas ang ilaw at tuloy-tuloy ang serbisyo para sa mga komunidad.
BAGONG BOARD DIRECTORS, PORMAL NANG NANUMPA
Isa rin sa mahahalagang bahagi ng assembly ang Induction of Incoming Board Directors, kung saan pormal na tinanggap ng mga bagong halal na kinatawan ang kanilang tungkulin bilang bahagi ng Board of Directors ng SOCOTECO-I.
Kabilang sa mga bagong Board Directors sina Ms. Anabelle Dafilmoto ng Sto. Niño District, Mr. Antonino Estares, Sr. ng Lake Sebu District, Mr. Richard V. Gamo ng Koronadal 1-A District, Mr. Leonard A. Bonzo ng Koronadal 1-B District, Mr. Abdullah Jess B. Mangudadatu ng Lutayan District, at Ms. Sharon S. Fermalino ng Norala District.
Kasabay nito, pinarangalan ang mga outgoing Board Directors na sina Ms. Ana R. Somido ng Lake Sebu District at Ms. Myrna G. Langub ng Sto. Niño District bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at kontribusyon sa Kooperatiba.
Sa kanyang Closing Message, pinasalamatan ni Dir. Osiel Alexis P. Par, President of the Board of Directors, ang mga MCOs, pamunuan, mga empleyado, at lahat ng naging bahagi ng mga tagumpay ng Kooperatiba.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, malasakit, at shared responsibility sa pagpapatatag ng SOCOTECO-I. Hinikayat niya ang lahat na ipagpatuloy ang pagtutulungan at kolektibong pagkilos tungo sa iisang mithiin, ang mas matatag na Kooperatiba, mas mahusay na serbisyo, at mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.
MAHAHALAGANG RESOLUSYON, NAIPASA
Sinundan ang programa ng Business Proper, kung saan tinalakay ang mahahalagang usapin kaugnay ng operasyon, pamamahala, at mga susunod na hakbang ng Kooperatiba.
Kabilang sa mahahalagang resolusyong naipasa ang suporta sa pagpapaunlad ng renewable energy programs, pagkakaloob o pag-renew ng legislative franchise ng mga electric cooperative, at pagtutol sa panukalang PPP/Concession ng Agus-Pulangi Hydroelectric Power Complexes.
Higit sa isang taunang pagtitipon, nagsilbing mahalagang ganap ito upang ilahad sa mga MCOs ang mga naging tagumpay ng Kooperatiba, kilalanin ang mga katuwang nito, talakayin ang mahahalagang usapin, at pagtibayin ang mga hakbang para sa patuloy na pagpapabuti ng serbisyo.
Sa patuloy na pagharap sa mga hamon ng electrification, service reliability, renewable energy, at community development, nananatiling nakatuon ang SOCOTECO-I sa pagtupad sa mandato nitong maghatid ng maaasahan, abot-kaya, at de-kalidad na serbisyo ng kuryente.
Sa 47th AGMA, muling pinagtibay ng SOCOTECO-I na ang bawat tagumpay ay bunga ng sama-samang pagkilos, mula sa pamunuan at mga empleyado hanggang sa mga MCOs at katuwang na organisasyon, para sa isang mas matatag na Kooperatiba at mas maliwanag na kinabukasan ng mga komunidad na pinaglilingkuran nito.